Apat na tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang inireklamo ng hulidap ng tatlong negosyante makaraang tangayin umano ang P345,000 na puhunan nila sa negosyo sa cellphone.
Dumulog kahapon sa QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit ang mga biktimang sina Melvin Cruz, 27; Jammel Romuros, 26; at Cecille Garrido, 32, pawang mga residente ng #163 M.H. del Pilar street, Malabon City.
Nakatakdang magsagawa ng police line-up sa kanyang mga tauhan si QCPD-District Mobile Force chief, Supt. Christopher Jacob Mateo upang positibong kilalanin ng tatlong biktima ang apat na pulis.
Sa salaysay ng mga biktima, dakong alas-4 ng madaling-araw noong Marso 13 sa panulukan ng EDSA at Balintawak ay nakasakay sila ng taxi patungo ng Baclaran upang mamili umano ng cellphone at accessories nang parahin ng dalawang mobile car sakay ang apat na pulis.
Pinababa umano sila, kinapkapan at binuksan maging ang bag ni Garrido na naglalaman ng P345,000 na puhunan nila ngunit iginiit ng mga suspek na “drug money”.
Isinakay pa sila umano ng mga pulis sa mobile car at inikut-ikot kasabay ng pananakot na dadalhin sa presinto. Ibinaba sila sa kanto ng D. Tuazon at Del Monte Ave. at pinasibad ang mobile car dala ang pera nila.
Sa apat na pulis, isa lamang ang nakilala nila sa pamamagitan ng nameplate nito sa apelyidong “Bacani”.
Kinumpirma naman ni Col. Mateo na may tauhan siyang Bacani na nakatakda ngayon nitong ipatawag upang kilalanin ng mga biktima at masampahan ng kaso kabilang ang tatlo pang kasama. (Danilo Garcia)