Naaresto kahapon ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong Indian nationals na dumukot at gumahasa sa isang 26-anyos na Pinay at tatlong-taong gulang nitong anak.
Sa pamamagitan ng mission order na inisyu ni Immigration Commissioner Marcelino Libanan, nadakip ang mga suspek na sina Jaswinder Kumar, alyas Michael; Avtar Singh, alyas Omar at Swaran Singh, alyas Jery na pawang nakapiit sa BI detention cell sa Bicutan.
Ang tatlo ay naaresto sa kanilang bahay sa Windward Hills Subdivision sa Dasmariñas, Cavite matapos na makatanggap ng reklamo mula sa kanilang biktima na paulit-ulit umano siyang hinalay ng mga suspek at saka hinostage sa loob ng 21 araw.
Ayon kay BI spokesman Atty. Floro Balato Jr., sasailalim sa deportation proceedings ang tatlong Indian nationals dahil na rin sa pagiging undesirable aliens ng mga ito subalit bago pa umano patalsikin palabas ng bansa ang tatlo ay kailangan muna silang kasuhan at makulong dahil sa kanilang kasalanang ginawa.
Ipapasa ng BI sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang tatlo sa sandaling magpalabas ang korte ng warrant of arrest laban sa kanila matapos din silang sampahan ng kasong kidnapping with rape sa Imus Regional Trial Court.
Base sa reklamo ng biktimang si Gina (hindi tunay na pangalan), dinukot siya ng tatlong Indian national noong Abril 5 ng nakaraang taon habang siya at ang kanyang tatlong-taong gulang na anak ay papauwi na sa kanilang bahay sa Bgy. Sta. Lucia, Dasmariñas, Cavite.
Sapilitan umano siyang isinakay sa sasakyan at tinakpan ang kanyang mukha ng panyo dahilan upang mawalan siya ng malay at nang magising na siya ay nasa isang bodega at dito ikinulong ng 21-araw at saka halinhinang pinagsamantalahan.
Abril 26 na umano nang pakawalan siya at kanyang anak ng mga suspek subalit pinagbantaan umano siya ng tatlo na papatayin sa sandaling magsumbong sa mga awtoridad.