Tatlo katao ang agad na nasawi, habang isa naman ang malubhang nasugatan makaraang paulanan ng bala ang masayang inuman ng mga una ng kanilang kapitbahay, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Nagtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan na nagresulta ng ka matayan sa mga biktima na sina Guillermo Bocalbos, 31; Gerry Daquigan, 37; at Ruel delos Reyes, 23, pawang residente ng BAT Compound Road 4, Pildera II NAIA, ng nabanggit na lungsod, habang nilalapatan naman ng lunas sa Pasay City General Hospital si Joel Malanum, 25, ng nasabing lugar.
Samantala, kasalukuyan namang nagsasagawa ng manhunt operation ang mga tauhan ng Pasay City Police laban sa suspect na si John Paulo Garcia, 30, kapitbahay ng mga biktima, matapos na tumakas ito kasama ang kanyang anak na hindi nabanggit ang pangalan sakay ng isang motorsiklo.
Sa isinagawang imbestigasyon ng Criminal Investigation Division (CID) Pasay City Police, dakong alas-10:30 ng gabi nang maganap ang nasabing insidente sa BAT Compound, Road 4, Pildera, NAIA, Pasay City.
Nabatid na nauna rito, masayang nag-iinuman ang mga biktima sa tapat ng gate ng isang nagngangalang Isagani Mascardo sa nabanggit na lugar nang dumating ang suspect na armado ng baril.
Bigla na lamang pinagbabaril ng suspect ang mga biktima kung saan minalas na napuruhan sina Bocalbos, Daquigan at delos Reyes na naging sanhi ng agaran nilang kamatayan, habang si Malanum naman ay malubhang nasugatan.
Lumitaw sa inisyal na pagsisiyasat ng mga imbestigador na paghihiganti ang motibo sa naganap na pamamaril ng suspect sa mga biktima na nag-ugat sa dating alitan kung saan sinasabing pinagtulungang bugbugin ng mga nasawing biktima ang una.
Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa naganap na pamamaril.