Sinabuyan ng asido ng isang misis ang kanyang mister at ang kalaguyo nito matapos na mahuli ng una ang huli sa akto na magkayakap at nakahiga sa kama sa Sta. Mesa Maynila, kamakalawa ng hapon.
Ang misis na si Leslie Cosico, 29, call center agent at residente ng #4895 Saturn st., ADB Subdivision Brgy. del Remedio, San Pablo City, Laguna ay nagpupuyos sa galit nang dumulog sa Manila Police District-Station 8 upang ireklamo ang kanyang mister na si James Nicholas Cosico, 30, naninirahan sa #4806 Hypodrome St., Sta. Mesa Maynila at ang kalaguyo umano nito na nakilala lamang sa pangalang “Jenny”.
Sa reklamo ni Leslie, dakong alas-6:30 ng hapon umano nang magtungo siya sa inuupahang bahay ng kanyang asawang si Nicholas upang makita ang kalagayan nito kung bakit lingguhan na lamang umano itong umuwi sa kanilang bahay. Inakala umano ni Leslie na may sakit ang kanyang asawa kung kaya’t hindi na nito makuhang umuwi araw-araw pagkatapos ng duty nito bilang isang call center agent.
Bunsod nito’y, pinuntahan ni Leslie ang nasabing tinitirhan ni Nicholas at dito ay laking gulat umano niya nang makitang magkatabi sa isang kama ang huli at si Jenny habang ito ay naka-bra at shorts lamang.
Dahil sa nakita ay nagdilim umano ang paningin ni Leslie at agad na kumuha ng muriatic acid mula sa comfort room ng bahay at mabilis na ibinuhos sa mukha ni Jenny at ng kanyang asawa.
Nakuha rin ni Leslie na pagbubugbugin si Jenny bunsod ng matinding galit at pagka-insulto umano sa kanyang nakita. (Grace dela Cruz)