Inumpisahan na ng mga militanteng grupo ang kampanya upang ibagsak ang umano’y ambisyon ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Bayani Fernando matapos na babuyin ang malaking poster nito sa kalsada kahapon ng umaga sa Quezon City.
Isang maigsing kilos- protesta sa kahabaan ng Quezon Avenue ang isinagawa ng lagpas 20 miyembro ng Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap) kung saan naging sentro nito ang pagpintura sa malaking poster ni Fernando sa southbound lane ng service road nito.
Ayon sa Kadamay, hindi umano nila hahayaan na makaupo bilang Pangulo ng bansa si Fernando kahit na ano ang mangyari. Tinawag pa ng mga ito si Fernando na isa umanong diktador dahil sa walang awa umano nitong demolisyon sa mga mararalitang taga-lungsod. Wala namang na gawa ang pulisya sa naturang aksyon ng mga militante matapos na agad na magsialis ang mga ito matapos ang pambababoy sa poster ni Fernando.
Nabatid naman na ang mga miyembro ng Kadamay ang nakasagupa ng demolition team ng MMDA sa isinagawang paggiba sa mga puwesto sa UP Wet and Dry Market sa Commonwealth Ave. nitong nakaraang linggo. (Danilo Garcia)