Dahil sa sobrang pangungulit sa nawawalang kariton, isang driver ang nag-aagaw buhay ngayon sa pagamutan makaraang pagbabarilin ng isang guwardiya kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Kasalukuyang inoobserbahan sa intensive care unit ng Pasay City General Hospital bunga ng tama ng bala sa dibdib at tiyan ang biktimang si Edwin Vergara, 30, residente ng Unit-E 2747 Zamora Building, Zamora St., ng nabanggit na lungsod.
Ang suspek na kinilalang si Edgardo Fernandez, 38, ng Philippine Air Hawk Security Agency ay agad namang naaresto ng pulisya.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-12:10 ng madaling-araw, ang biktima kasama ang kanyang kaibigan na si Jonard Banjao, 20, helper, ay galing sa isang videoke bar malapit sa naturang lugar.
Naglalakad ang magkaibigan pauwi sa kanilang bahay at sandaling huminto ang mga ito sa tapat ng Zamora building para kunin ang ipinaradang kariton.
Dahil nawawala ang ipinaradang kariton, inusisa ng biktima ang guwardiyang nagbabantay sa gusali kung posibleng nakita nito ang kumuha.
Dahil sa nakulitan na umano ang suspek sa patuloy na pagbibintang ng biktima, nag-init ang ulo nito dahilan upang bumunot ito ng baril at agad na pinaputukan ang huli hanggang sa duguan itong humandusay sa kalsada. (Rose Tamayo-Tesoro)