Patay agad ang isang ina ng tahanan matapos na pagbabarilin ito sa ulo sa harapan mismo ng kanyang 8-anyos na anak na babae, kahapon ng umaga sa Makati City.
Hindi na umabot pa ng buhay sa pagamutan ang biktima na kinilalang si Marivic Cruz, 30, residente ng 3878 Borromeo St., Palanan, Makati City bunga ng tinamo nitong dalawang tama ng bala sa ulo.
Nabatid sa imbestigasyon ng pulisya na dakong alas-10:30 ng umaga nang mangyari ang nasabing krimen sa Araro St., Brgy. Palanan na hindi kalayuan sa bahay ng biktima sa nabanggit na lungsod.
Napag-alaman na ang biktima ay misis ng isang Koreano ay kasalukuyan naglalakad sa nabanggit na lugar kasama ang 8-anyos na anak nitong babae na nakatakda sana nitong ihatid sa isang swimming lesson.
Ayon sa mga saksi, habang naglalakad umano ang mag-ina ay biglang sumulpot ang isang taxi lulan ang dalawang armadong kalalakihan.
Sinabayan at tinugaygayan pa umano ng taxi ang mag-ina at isa sa mga lulan nito ang biglang nagbunot ng baril at agad na pinaputukan ang biktima na nasapol naman ng dalawang beses sa ulo sanhi upang agaran itong masawi.
Ayon naman sa ilang mga kapitbahay ng biktima, dalawang araw bago pa man mangyari ang nasabing insidente ay may nakasagutang lalaki ang huli.
May hinala naman ang pulisya na posibleng kilala ng biktima ang mga suspect dahil napatakbo pa ito nang makita ang gunman na nakasakay sa taxi.
Lumalabas naman sa isinagawang pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) team na bihasa sa paghawak ng baril ang suspect at asintado ito dahil kahit pa man umano tumatakbo ang taxi ay nagawa nitong maasinta sa ulo ang biktima.
Posible rin umanong alam ng suspect ang mga kilos at daily routine ng biktima at kusang inaabangan nito ang paglabas ng babae sa kanilang bahay at sinundan ito para sadyang patayin.