5,581 sundalo kailangan ng AFP
Matapos maalarma sa banta ng destabilisasyon, aktibo namang nagre-recruit ngayon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng 5,581 mga bagong sundalo upang mapalakas pa ang kanilang puwersa sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kabilang sa mga nagre-recruit ay ang tatlong Major Service Command ng AFP na kinabibilangan ng Army, Navy at Air Force.
Kaugnay naman ng pagdiriwang ng ika-111 taong anibersaryo ng Phil. Army, sinabi ng spokesman nitong si Lt. Col. Ernesto Torres Jr. na target nilang mag-recruit ng 3,000 mga bagong kasapi ng kanilang hukbo.
Ang recruitment ay upang mapalitan ang mga nagsipagretiro at nadismis sa rooster ng AFP at naglalayon rin itong mapalakas ang kampanya laban sa insureksyon at terorismo.
Ayon naman kay Air Force spokesman Lt. Col. Epifanio Panzo Jr., 600 piloto ang kailangan ng kanilang hanay. Sa panig ng Navy, inihayag ng spokesman nitong si Lt. Col. Ariel Caculitan na 1,200 ang kanilang ire-recruit habang sa hanay ng Marines ay 500. Ang Marines ay isang unit ng militar na nasa ilalim ng superbisyon ng Navy at nagsisilbing frontliner sa bakbakan.
Ang mga interesado ay kailangang natural-born Filipino citizen, 18-22 taong gulang, may taas na 5’4 sa lalaki at 5’2 sa babae, wala pang asawa at anak, may good moral character at kailangang ipasa ang screening test.
Prayoridad dito ang mga propesyunal, graduates ng MS43 at Advanced ROTC, may 72 units pataas sa kolehiyo at kung high school graduates naman ay kailangang may technical vocational skills. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending