Kritikal ang isang kuya makaraang ataduhin ito ng saksak ng kanyang 20-anyos na bunsong kapatid matapos ang mainitang argumento ng mga ito hinggil sa nawawalang cellphone ng huli, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Nakilala ang biktima na si Nelson Reyes, 29, residente ng 106 Primero de Mayor St., ng nabanggit na lungsod na ngayon ay nakaratay sa Pasay City General Hospital dahil sa tinamong mga saksak sa katawan.
Samantala kinilala ng pulisya ang nakababatang kapatid ng biktima na si John Carlo Reyes, residente rin ng nasabing lugar na agad na naaresto matapos ang ginawa nitong pananaksak sa kanyang kuya.
Batay sa imbestigasyon ni PO3 Jonathan Morales, may hawak ng kaso, dakong alas-10:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng silid ng biktima.
Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya, uminit umano ang ulo ng nakababatang Reyes nang hindi nito makita ang kanyang cellphone na inilapag niya sa ibabaw ng cabinet.
Sa pag-aakala ng nakababatang Reyes na kinuha ng kanyang kuya ang cellphone pumasok ito sa loob ng kuwarto ng kanyang kuya at agad itong kinompronta na nauwi sa mainitan pang pagtatalo.
Habang nagtatalo ang dalawa, nakadampot ng patalim si John Carlo at inundayan ng saksak sa katawan ang nakatatandang kapatid.
Nang makitang duguan ang kapatid ay agad na tumakas ito dala ang patalim subalit ilang minuto lamang ang na kalipas agad siyang naaresto ng mga awtoridad.
Sa ngayon ay nakadetine sa detention cell ang batang Reyes, habang inihahanda ang kaso laban dito. (Rose Tamayo-Tesoro)