Trillanes, et al binasahan ng kaso
Ayaw na umanong makipagtulungan pa ni detained Sen. Antonio Trillanes IV at tinatapos na umano nito ang kanyang partisipasyon sa isinasagawang pagdinig ng Makati Regional Trial Court sa kanilang mga kaso kaugnay sa 2003 Oakwood mutiny at November 29, 2007 Manila Pen stand off.
Batay sa statement ni Trillanes, wala na umanong karapatan pa o moral authority ang administrayon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo para husgahan siya sampu ng kanyang mga kasamahan sa Magdalo.
Kahapon ay pinaigting kapwa ng militar at kapulisan ang seguridad sa loob at labas ng Makati Regional hinggil sa pagharap sa korte ng Magdalo soldiers ni Trillanes makaraang parehong dinggin ang kaso ng mga ito kaugnay sa Oakwood mutiny at Manila Pen siege.
Sa naganap namang arraignment kahapon sa sala ni Makati City Regional Trial Court (RTC) Branch 150 Judge Elmo Alameda, hindi nagpahayag ng plea sina Senator Trillanes IV, Brig. General Danilo Lim at 16 pa na kabilang sa kumubkob sa Manila Peninsula standoff noong November 29, 2007 sa kasong rebelyon kaya ang judge na ang nagbigay ng “not guilty plea” sa mga ito.
Bukod kay Trillanes at Lim ang mga binasahan ng sakdal ay kinabibilangan nina Marine Capt. Gary Alejano, Navy Ltsg. James Layug, Ltsg. Manuel Cabochan, Ltsg. Eugene Louie Gonzalez, Marine 2nd Lt. Jonnel Sangalang, Ltsg. Andy Torrato, Ltsg. Arturo Pascua, Air Force 1st Lt. Billy Pascua, Ensign Armand Pontejos, Air Force Capt. Segundino Orfiano at Corporal Clecarte Dahan at Private First Class Juanito Jilbury, Emmanuel Tirador at German Linde at dating Navy Petty Officers Julius Mesa at Cesar Yassir Gonzalez. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending