Isa na namang negosyanteng Tsinoy ang iniulat na dinukot ng mga armadong kalalakihan sa Pasay City.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Winston Uy, 50, isang cellphone dealer.
Nabatid sa paunang ulat na nakalap, sakay umano ng kanyang kotseng Mercedes Benz na kulay abo ang biktima tahak ang isang kalye sa Pasay nang bigla itong harangin ng armadong kalalakihan.
Agad umanong sumakay sa kotse ng biktima ang mga suspect at sapilitan itong ipina-maneho patungong Manila.
Ayon pa sa inisyal na imbestigasyon, narekober na kahapon ng hapon ng pulisya ang nasabing kotse ng biktima sa isang lugar sa Maynila, habang ang huli ay tuluyan namang tinangay ng mga suspect.
Nabatid pa na isang tawag umano ang natanggap ng pamilya Uy mula sa hindi pa nakikilalang mga suspect na humihingi ng kaukulang P20 milyong ransom kapalit ng kalayaan ng biktima.