Naging marahas at natigmak ng dugo ang naganap na demolisyon sa University of the Philippines (UP) Wet and Dry Market makaraang magsalpukan ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at illegal vendors na nilahukan ng mga estudyante ng unibersidad kahapon ng umaga.
Nagtamo ng sugat dahil sa pambabato ang mga kaminero ng MMDA, habang sugatan din ang ilang mga vendors sa pa mamalo naman ng mga miyembro ng demolition team. Isinugod naman sa East Avenue Medical Center si Vince Marin, 21, political science student ng UP dahil sa pagputok ng ulo dulot ng pamamalo.
Nabatid na nag-umpisa ang demolisyon dakong alas-9 ng umaga sa UP wet and dry market sa gilid ng Commonwealth Avenue, Philcoa, ng naturang lungsod.
Ayon sa mga vendors, iligal umano ang demolisyon dahil sa walang maipakitang court order ang MMDA. Sinabi naman ni Roberto Esquivel, director ng MMDA Sidewalk Clearing Operations, na hindi na kaila ngan ng kautusan ng korte dahil sa “nuisance per se” o direktang nakakaabala sa daloy ng trapiko ang naturang palengke.
Lumakas naman ang loob ng mga vendors matapos na kampihan sila ng mga militanteng estudyante ng UP na nagsagawa ng demonstrasyon laban sa pamahalaan at idinawit rin si Pangulong Arroyo.
Nabatid naman na nagpaulan umano ng bato ang mga vendors at estudyante sa mga kaminero. Gumanti naman ang mga ito nang makipagsuntukan sa mga nagpoprotesta at ma mukpok ng dala nilang pamalo.
Sinabi naman ni Marin na bukod sa pamamalo, hinampas rin siya ng baril ng isa sa miyembro ng demolition team sanhi ng pagputok ng kanyang ulo. Ipinagtanggol naman ni Esquivel ang kanyang mga tauhan na umano’y gumanti lamang sa pananakit sa kanila.
Labis din siyang nagtataka na maging sa demolisyon ng ilegal vendor ay binabanggit ang pangalan ni Jun Lozada, ang sinasabing key witness sa ZTE broadband deal anomaly.