Nagkaroon ng pag-uusap sa pagitan ni dating Batangas Gov. Jose Antonio Leviste at anak ng kanyang napaslang na si Rafael delas Alas matapos silang magtagpo sa pagpapatuloy ng paglilitis, kahapon sa Makati City Regional Trial Court (RTC).
Batay sa kanilang pag-uusap, ipinaliwanag ni Leviste sa anak ni delas Alas na si Dinna na huwag hayaan ang sarili na magamit ng ibang tao dahil kapwa sila nagdurusa sa pangyayari, pati na ang kanyang mga anak na wala namang kinalaman.
Ayon pa sa dating gobernador, malaki ang paniwala niyang maiintindihan na ng pamilya ng dati niyang administrador na hindi nila kapwa kagustuhan ang pangyayari at handa rin ang kanyang mga anak lalo na si Toni na isang equestrian champion na kausapin din ang pamilya delas Alas.
Nakakita pa ng pagkakataon si Leviste na mahawakan ang kamay ni Dinna sa kabila ng pagtanggi ng huli at sinabing hanggang ngayon ay nagdurusa sila sa pagkamatay ng kanilang ama at nalulungkot din siya dahil dati silang malapit sa pamilya Leviste.
“He was trying to reach me out kahit noon pa pero andun pa rin yung sakit kahit nakalipas na ang panahon at sa ngayon andito na ang kaso sa korte. Hanggang ngayon hindi pa rin kami makapag-move on sa pagkawala ng tatay ko. Siguro pagsarado na ang kaso anuman ang maging desisyon dun pa lang siguro kami mag-uumpisang mag-move on,” ayon naman kay Dinna.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig kahapon, nagharap ng panibagong testigo si Senior State Prosecutor Emmanuel Velasco sa sala ni Makati RTC Judge Elmo Alameda ng Branch 150 na magpapatunay na may masamang ugali at marahas ang akusado.
Kabilang sa mga testigong iniharap ni Velasco sina Jester Donasco at Erlinda Lozada na kapwa nagpahayag na minura sila ni Leviste nang palayasin sa lupang pag-aari ng dating gobernador sa Sun Valley, Parañaque City habang iniuutos ang paggiba sa kanilang bahay.
Mariing tinutulan naman ni Atty. Ramon Esguerra, abogado ng depensa ang pagharap ng panibagong testigo at sinabing hindi kabilang ang bagong testigo sa presentasyon ng ebidensiya na labag sa umiiral ng panuntunan ng korte. (Rose Tamayo-Tesoro)