Matapos ang dalawang araw na pagkakaratay sa pagamutan, tuluyang binawian ng buhay ang isang 11-anyos na batang lalaki dahil sa tinamong pamumuo ng dugo sa batok matapos na tiradurin ng binatang kapitbahay nito sa Quezon City.
Nalagutan ng hininga kamakalawa ng gabi sa loob ng East Avenue Medical Center dahil sa “blood clots” ang biktimang si Mark Leonel de Guia, grade 5 elementary pupil at residente ng Area 6 Sitio Veterans, Brgy. Silangan, ng naturang lungsod.
Nakadetine naman ngayon ang 19-anyos na suspek na si Ricardo Susing Jr., alyas Junior, kapitbahay ng biktima.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang paninirador dakong alas-11 nitong nakaraang Biyernes ng umaga sa bakanteng lote sa naturang lugar.
Naglalaro umano ang biktima at kaibigang si Jong-Jong sa nasabing lugar sa may garden nang dumating ang ama ng suspek na si Ricardo Sr., may mga pananim sa naturang compound at pinagalitan ang dalawang bata.
Dahil sa takot, mabilis na tumakbo ang dalawang bata ngunit bigla na lamang nadapa si Mark Leonel nang tamaan ng bato sa batok matapos na tiradurin ng batang Susing.
Ayon sa ama ng biktima na si Noel, positibong kinilala ng kanyang anak si Susing o Junior na siyang tumirador sa kanya bago ito nalagutan ng hininga.