Binata  binugbog ng mga pulis, todas

Nasawi ang isang binata matapos mapagkamalang hol­daper at bugbugin ng mga pulis sa San Andres, Maynila.

Matapos ang dalawang araw na paghihirap at pakiki­paglaban kay kamatayan sa Ospital ng Maynila ay tuluyan nang binawian ng buhay dakong alas-2 ng madaling-araw ang bik­timang si Jona­than Gariando, 21, ng 1858 Estrada St. Sta Ana, Maynila sanhi ng mga tinamong bug­bog sa katawan.

Itinuturo namang mga sus­pek sina Insp. Carlito Jime­nez, De­puty Commander ng Police Com­­munity Precinct-San An­dres; PO2 Alvin Chong at PO1 Florendo Petilo, pa­wang naka­talaga sa  Manila Police Dis­trict-PCP San Andres.

Lumalabas sa report ni Ed­mundo Cabal ng MPD-homi­cide section na dakong alas-3 ng madaling-araw ng Pebrero 28, 2008 naganap ang in­sidente sa Railroad track ng San Andres.

Ayon sa salaysay nina Jim Ross Dumdom, 20, at Jona­than Ramos, 18, pawang ka­sama ng biktima, nagla­lakad sila sa naturang lugar upang ihatid ang kaibigan nila nang makarinig sila ng putukan. 

Kaagad silang nag­takbu­han subalit inaresto ang bik­tima ng mga nagpapatrul­yang mga suspek at dito pa lang ay pinagpapalo ng baril ang bik­tima saka dinala ito sa PCP-San Andres at muling pinag­bu­­bugbog.

Sa kabila umano ng mga tina­mong pasa at bugbog sa katawan ng biktima ay hindi umano ito dinala sa ospital hang­­gang sa humingi ng tu­long ang ama sa mga kaga­wad ng barangay.

Taliwas naman ang pali­wanag ng PCP-San Andres na nagsabing ang biktima ay ina­resto dahil sa reklamo ng isang Victoria Manipos, 33, ng 208 Zafari AB Building Os­meña, San Andres na umanoy hinoldap at tinangay ang kan­yang bag na may laman na P5,000 cash, cell­phone at maha­halagang gamit.

Sina Jimenez, Chong at Pe­tilo ay nauna nang inirek­lamo nina Dumdom at Ramos sa MPD-General Assignment Sec­tion na kasalukuyang ini­imbes­ti­gahan. (Gemma Amargo-Garcia)

Show comments