Binata binugbog ng mga pulis, todas
Nasawi ang isang binata matapos mapagkamalang holdaper at bugbugin ng mga pulis sa San Andres, Maynila.
Matapos ang dalawang araw na paghihirap at pakikipaglaban kay kamatayan sa Ospital ng Maynila ay tuluyan nang binawian ng buhay dakong alas-2 ng madaling-araw ang biktimang si Jonathan Gariando, 21, ng 1858 Estrada St. Sta Ana, Maynila sanhi ng mga tinamong bugbog sa katawan.
Itinuturo namang mga suspek sina Insp. Carlito Jimenez, Deputy Commander ng Police Community Precinct-San Andres; PO2 Alvin Chong at PO1 Florendo Petilo, pawang nakatalaga sa Manila Police District-PCP San Andres.
Lumalabas sa report ni Edmundo Cabal ng MPD-homicide section na dakong alas-3 ng madaling-araw ng Pebrero 28, 2008 naganap ang insidente sa Railroad track ng San Andres.
Ayon sa salaysay nina Jim Ross Dumdom, 20, at Jonathan Ramos, 18, pawang kasama ng biktima, naglalakad sila sa naturang lugar upang ihatid ang kaibigan nila nang makarinig sila ng putukan.
Kaagad silang nagtakbuhan subalit inaresto ang biktima ng mga nagpapatrulyang mga suspek at dito pa lang ay pinagpapalo ng baril ang biktima saka dinala ito sa PCP-San Andres at muling pinagbubugbog.
Sa kabila umano ng mga tinamong pasa at bugbog sa katawan ng biktima ay hindi umano ito dinala sa ospital hanggang sa humingi ng tulong ang ama sa mga kagawad ng barangay.
Taliwas naman ang paliwanag ng PCP-San Andres na nagsabing ang biktima ay inaresto dahil sa reklamo ng isang Victoria Manipos, 33, ng 208 Zafari AB Building Osmeña, San Andres na umanoy hinoldap at tinangay ang kanyang bag na may laman na P5,000 cash, cellphone at mahahalagang gamit.
Sina Jimenez, Chong at Petilo ay nauna nang inireklamo nina Dumdom at Ramos sa MPD-General Assignment Section na kasalukuyang iniimbestigahan. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending