February 29, 2008 | 12:00am
Patay ang isang traffic enforcer makaraang salpukin ng rumaragasang taxi ang minamaneho nitong motorsiklo, kahapon ng umaga sa Pasay City. Nakilala ang nasawi na si Siserando Duarte III, 37, nakatalaga sa Pasay Traffic Management & Parking Office (PTMPO) at residente ng Group II, 16th ISU Village, Fort Bonifacio, Bicutan, Taguig City. Nadakip naman ang suspect na si Eduardo Gamboa, 33, nakatira sa P. Molina St., Alabang, Muntinlupa City.
Batay sa imbestigasyon, sa dakong alas-6:30 ng umaga nang mangyari ang nasabing insidente sa kanto ng Saint Andrew St. at Aurora Avenue Pasay City. Nabatid na ang biktima ay lulan ng kanyang Honda motorcycle na may plakang UO-9986 at tinatahak ang Aurora Avenue patungong Sales St., ng nasabing lungsod nang salpukin ng taxi ng suspect. Sa lakas ng impact ng pagkakabangga, tumilapon ng may 20 metro ang layo ang biktima dahilan upang mabagok ang ulo nito sa semento nang siya ay bumagsak na naging dahilan ng kanyang kamatayan. (Rose Tamayo-Tesoro)