Patay ang isang kawani ng Pasay City Hall nang barilin sa ulo at likurang bahagi ng kanyang katawan ng tatlong holdaper na bumiktima sa grupo ng una, kamakalawa ng gabi sa nabanggit na lungsod.
Nakilala ang biktima na si Gerardo Ragasa, 47, tagapamahala sa Pasay City Public Cemetery at residente ng 39 Don Carlos Revilla St., ng nabanggit na lungsod.
Batay sa ulat, dakong alas-6 ng gabi nang maganap ang nasabing insidente malapit lamang sa bahay ng biktima sa Don Carlos Revilla St., Pasay City.
Nabatid na kasalukuyang naglalakad pauwi ng kanilang bahay ang biktima kasama ang kapwa mga empleyadong sina Robert Salazar, Willy Camargo at Emily Magal nang bigla na lamang sumulpot sa kanilang harapan ang tatlong lalaki na pawang armado ng baril.
Tumanggi at nanlaban ang biktima kung kaya siya pinaputukan ng mga suspect na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Samantala, sa isinagawang follow-up operation naman ng mga tauhan ng Pasay City Police, naaresto ang isa sa tatlong suspect na si Marco Daniel, 29, pedicab driver, residente ng Block 24, Lot-4, Barrio Pilipino, Pasay City na kasalukuyang isinasailalim sa masusing imbestigasyon. (Rose Tamayo-Tesoro)