Dahilan sa banta ng seguridad kaugnay ng mass actions, ipinakansela kahapon ng PNP sa Makati City Regional Trial Court (RTC) ang arraignment sa kasong rebelyon laban kina Senador Antonio Trillanes IV, Brig. Gen. Danilo Lim at iba pang sangkot sa Manila Peninsula Hotel siege noong Nobyembre 2007.
Ayon kay PNP Chief, Director General Avelino Razon Jr., bahagi ng kanilang precautionary measure ang inihain nilang mosyon sa korte kasunod ng intelligence reports hinggil sa posibilidad ng panibagong tangkang pag-aaklas ng mga junior military officer, iba pang armado at mga militanteng grupo.
Sa kanilang petition, iginiit ng PNP na batay sa kanilang natanggap na report layunin ng panibagong pagtatangka na pabagsakin ang kasalukuyang administrasyon.
Ipinaliwanag pa ni Razon na hindi makabubuti na ilabas ng kulungan ang mga tinaguriang high profile personalities para dumalo sa pagdinig ng korte bunga na rin ng banta na posibleng likhain ng mga ito sa pambansang seguridad.
Ang nasabing petisyon ay pinaunlakan naman ni Judge Elmo Alameda ng Makati City Regional Trial Court (RTC) Branch 150 kung saan ay muling itinakda ang pagbasa ng sakdal sa Marso 6. (Joy Cantos at Rose Tesoro)