Dahil sa pagiging usyusero, isang 16-anyos na binatilyo ang nasugatan nang mapagkamalan siyang holdaper at pagbabarilin siya ng isang pulis-Bicutan kahapon ng madaling-araw sa Tondo, Maynila.
Kasalukuyang nagpapagamot sa Gat Andres Bonifacio Hospital ang biktimang si Jay Arpon, binata, out of school youth, ng 22 Road-10, Don Bosco St., Tondo dahil sa tinamo nitong tama ng bala ng baril sa kanang bahagi ng hita nito.
Kinilala naman ni P/Supt. Rolando Miranda, Commander ng Manila Police District-Station 1 ang suspek na si SPO2 Gerald Valle, 46, ng Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.
Naganap ang insidente dakong alas-3:45 ng umaga habang naglalakad si Arpon sa kahabaan ng Road-10 sa Tondo.
Pauwi na umano ang biktima nang makita niya ang suspek na nakatayo sa madilim na bahagi na malapit sa isang restaurant.
Sa kagustuhan umanong makilala ng biktima kung sino ang nakatayo sa naturang lugar ay huminto siya sandali at inusyoso ang mukha ng suspek.
Inakala naman ng suspek na holdaper ang biktima kaya kinompronta niya ito. Pinabulaanan ng biktima ang akusasyon at tumakbo ito palayo pero pinaputukan siya ng pulis. Kasalukuyang pinaghahanap ng awtoridad ang suspek para harapin ang reklamo na inihain laban sa kanya. (Grace dela Cruz)