Pinaniniwalaang onsehan sa droga ang motibo ng pagpatay sa isang barker na pinagbabaril sa harapan ng Culiat Compound, Tandang Sora, Quezon City nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ng Quezon City Police ang biktima na si Ricky Romanos, 32, binata, walang hanapbuhay at residente ng Kaingin 1, Brgy. Pansol, Diliman ng lungsod.
Si Romanos ay agad binawian ng buhay sa tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan mula sa cal. 45 pistol. Ayon sa mga imbestigador, naganap ang krimen bandang alas-11:10 ng gabi sa harapan ng Culiat Compound sa Tandang Sora ng nabanggit na siyudad.
Sa pahayag ng mga testigo sa pulisya, kasalukuyan umanong nag-aabang ng masasakyang jeepney ang biktima ng pagbabarilin ng hindi pa nakilalang salarin.
Duguang napalugmok ang biktima habang mabilis namang tumakas ang salarin papasok sa Salam Mosque compound sa nasabing lugar.
Sinabi ng mga imbestigador na isa sa mga anggulo ng krimen na masusi nilang iniimbestigahan ay ang posibleng onsehan sa droga. (Danilo Garcia)