Upang mas maging madali sa mga Manilenyo, anim na satellite office ng Manila City hall ang binuksan na ni Manila Mayor Alfredo Lim sa iba’t ibang lugar sa lungsod.
Ang mga nasabing public satellite offices ay matatagpuan sa Tondo Sports Complex (District 1); Tayuman TESDA office (District 2); RASAC Sport Complex office sa panulukan ng Avenida Avenue at Alvarez Streets, Sta. Cruz, Manila (3rd district), Dapitan Sports Complex (District 4), Arquiza cor. Roxas Boulevard (District 5) at isa pa sa Teresa St., Sta. Mesa, Manila (District 6).
Itinalaga ni Lim si City Administrator Jesus Mari Marzan upang siyang mag-oversee sa operasyon ng mga nasabing mini city halls sa anim na distrito ng lungsod.
Sinabi ng alkalde na ang bawat mini satellite office ay nagsisilbing karugtong ng Manila City Hall upang gampanan ang tungkulin ng pagbibigay pangunahing serbisyo sa bawat Manilenyo.Kabilang sa mga serbisyong maaaring kunin sa mga nasabing satellite offices ay ang mga sumusunod; police clearances, senior citizen cards, solo parent IDs, medical assistance program, road maintenance at repair, health at residence certificates, business license fees, livelihood program, crisis intervention, social case study, business permits, birth certificates, marriage license fees, death certificates at tax payments.
Nagkakaloob din ng libreng serbisyo tulad ng libreng libing sa North at South Cemetery at ang pagkakaroon ng libreng lamay sa loob ng North Cemetery chapel.
Maari ding kumuha ng referrals sa Philippine Charity Sweepstakes Office at Philippine Amusement and Gaming Corporation.
Naging basehan ng alkalde ang pagtatayo ng nasabing satellite office ay ang Ordinance 7792, na nagsasaad ng pagkakaroon ng kapangyarihan ng alkalde na lumikha ng city hall offices sa bawat distrito ng Maynila. (Doris Franche)