Maaari na umanong makapag-rally ang grupong Bagong Alyansang Maka bayan (Bayan).
Ito naman ang nabatid mula kay Bayan Secretary General Renato Reyes matapos na umanong bigyan sila ng permit ng Manila City Hall.
Ayon kay Reyes, nagpapasalamat sila kay Manila Mayor Alfredo Lim dahil tinotoo nito ang kanyang pangako na papayagan silang makapag-rally sa Mendiola sa Lunes kasabay ng paggunita sa ika-22 taong anibersaryo ng People Power 1.
Sa katunayan umano ay nagulat siya nang matanggap ang permit na pinirmahan ni Rafaelito Garayblas na secretary to Mayor.
Nabatid naman kay Garayblas na mahigpit ang kautusan ni Lim na bawal ang pagsasagawa ng rally tuwing may pasok habang pinapayagan lamang na magsagawa ng rally ang mga protesters kung holiday at walang pasok sa Mendiola.
“Dahil holiday naman ang February 25, pinayagan sila ng city government”.
Kung okey sila sa Mendiola, inisnab naman ng City government ang kahilingan ng grupo na makapagsagawa ng protesta sa harap ng People Power Monument sa Lunes.
Sinabi ni Manuel Sabalsa, hepe ng Department of Public Order and Safety (DPOS) ng QC hall, hindi maaaring bigyan ng city government ng permit to rally ang naturang grupo dahil hindi nila pinapayagan ang anumang political gatherings sa naturang establisimiento.
Ayon kay Sabalsa, pinayuhan na lamang niya si BAYAN secretary-general Renato Reyes na makipag- ugnayan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para makipag-usap naman sa Eastern Police District at sa Metro Manila Development Authority (MMDA) na siyang nagbibigay permiso para dito. (Doris Franche at Angie dela Cruz)