Isang lalaki ang nasawi, habang isa pa ang nasugatan matapos ang madugong duelo nang magtalo sa mainit na isyu ng ZTE broadband deal, kamakalawa ng gabi sa Las Piñas City.
Hindi na umabot ng buhay sa Zarate Medical Center sanhi ng mga saksak na tinamo sa tiyan ng biktimang si Rolando Alvarez, 20, binata ng Golden Acres, Habitat, Talon Uno, habang sugatan ang kanyang ka-duwelong si Mark Obibe, 19, ng #15 Camachili St., 5 Christian, Golden Acres, Talon Uno, na isinugod naman sa Las Piñas District Hospital bago inilipat sa Philippine General Hospital (PGH) bunga ng grabeng tama ng saksak sa kaliwang mata.
Ayon sa inisyal na ulat, ang insidente ay naganap dakong alas-10 ng gabi malapit sa basketball court sa Golden Acres, Talon Uno ng nasabing lunsod.
Bago ito, masaya pang nag-iinuman ang dalawa at nagbigay ng kanilang mga paniwala sa isyu ng ZTE.
Magkasalungat ng paniwala ang dalawa hanggang sa ang paliwanagan ay humantong sa mainit na komprontasyon at marahil dala ng kalasingan ay tuluyan nang nagkapikunan ang dalawa hanggang magsuntukan at di nagtagal ay kapwa naglabas ng patalim at nagsaksakan. (Lordeth Bonilla)