Matapos talunin sa suntukan, isang call center agent ang sinaksak ng kanyang kapitbahay kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Nasa kritikal na kondisyon sa pagamutan sanhi ng tinamong saksak sa tiyan ang biktimang si Juan Carlos de Dios, 25, binata, ng Narra Avenue, Dela Torre Compound, Pangarap Village, Brgy. 182 ng nabanggit na lungsod.
Nakakulong naman sa Caloocan City Police ang suspek na si Vicente Eleuterio, 52, kapitbahay ng biktima. Sa pagsisiyasat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-7 ng gabi sa kahabaan ng Narra Avenue, Dela Torre Compound, Pangarap Village, Barangay 182, Caloocan City.
Nabatid na kasalukuyang naglalakad ang biktima sa naturang lugar nang harangin ito ng suspek at komprontohin dahilan upang magkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng mga ito.
Makalipas ang ilang minuto ay nakita na lamang nagsusuntukan ang dalawa at nang hindi man lamang makatama ang suspek sa biktima ay agad na naglabas ng patalim at mabilis na inundayan ng saksak si De Dios. Matapos nito, ay nagtangka ang suspek na tumakas subalit agad din itong naaresto ng mga rumespondeng tanod habang ang biktima ay isinugod naman sa nabanggit na. (Lordeth Bonilla)