Pagnanakaw ang isa sa mga pangunahing motibo na iniimbestigahan ngayon ng pulisya makaraang matagpuan ang bangkay ng isang 54-anyos na lalaki, na mabaho na at luwa pa ang bituka kahapon ng umaga sa Malabon City.
Pinaniniwalaang may dalawang araw nang patay ang biktimang si Dionicio Zonsa, ng #12 Mac Arthur Highway, panulukan ng Atimoya St., Brgy. Potrero ng nabanggit na lungsod na nagtamo ito ng saksak sa sikmura.
Samantala, blanko pa ang Malabon City Police kung sino ang pumaslang sa biktima.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-6 ng umaga nang matuklasan ang bangkay ng biktima ng anak nitong si Aileen, 30, sa inuupahang kuwarto ng matandang Zonsa sa nabanggit na lugar.
Nabatid na dinalaw ng dalaga ang ama at ayon dito ay matagal na siyang kumakatok ay hindi pa rin nagbubukas ang biktima kaya’t nagpasya ang dalaga na puwersahing buksan ang pinto ng bahay at doon na tumambad ang bangkay ng ama na nangangamoy na.
Agad na ipinaalam ni Aileen sa mga awtoridad ang natuklasang bangkay ng kanyang ama at base pa sa paunang pagsisiyasat, lumalabas na posibleng kakilala ng biktima ang salarin dahil hindi naman umano pinuwersang buksan ang pinto ng bahay.
Lumalabas din na posibleng pagnanakaw ang motibo sa krimen dahil bago umano naganap ang insidente ay nanalo ang biktima sa sabong at nang makita ang bangkay nito ay nawawala na ang perang napanalunan nito. (Lordeth Bonilla)