Nahaharap ngayon sa kaukulang kaso ang Bureau of Jail Management & Penology (BJMP) kaugnay sa pagkamatay ng dalawang inmates matapos pahintulutang makalabas ang mga ito ng piitan para lamang utusang bumili ng pagkain na nagresulta sa pagkamatay ng mga huli, kahapon ng madaling-araw sa Taguig City.
Batay sa natanggap na ulat ni Taguig Police Chief Supt. Alfredo Corpuz, ang mga biktima na kinilalang sina Alberto Ago, alyas Kylle , 24, residente ng Purok 6-A, Brgy. Lower Bicutan, at Rodel Rellera, 21, ng Brgy. Ibayo-Tipas, ng nabanggit na lungsod ay kapwa namatay nang bumangga sa isang poste ang kanilang sinasakyang motorsiklong XRM na may plakang PQ-4190 dakong ala-1:45 ng madaling-araw.
Napag-alaman na si Rellera ay nahaharap sa kasong tangkang panggagahasa, samantalang si Ago naman ay nakakulong sa kasong theft o pagnanakaw kung saan kapwa nakapiit ang mga ito sa Taguig Police Detention Center.
Sa ginawang pagsisiyasat, ang dalawang inmates ay pinalabas ng kulungan at inutusan ng on duty jail guard na si PO1 Roderick Ivan Montaril para bumili lamang ng pagkain at magka-angkas na umalis ang dalawa sakay sa isang motorsiklo.
Nabatid na kasalukuyang minamaneho ni Ago ang motorsiklo patungo sa isang karinderya nang mawalan ito ng kontrol at sumalpok ang kanilang sinasakyan sa isang poste na nagresulta sa kapwa agarang pagkamatay ng mga ito.
Napag-alaman pa na sina Ago at Rellera ay ginawa umanong trustee‚ ni Montaril at madalas na pinalalabas ng piitan para lamang bumili ng pagkain.
Dahil sa pagkamatay sa labas ng mga nabanggit na preso, sinabi ni Chief Insp. Tito Oraya ng Detective Management Section, na ang pisikal na presensiya sa labas ng mga una na kapwa pa namatay ay nagpapatunay na nilabag ni Montaril ang Art. 224 ng Revised Penal Code o Infidelity in the Custody of Prisoners.
Kasabay nito, inutusan kahapon ni Taguig City Mayor Freddie Tinga si Supt. Corpuz na bukod sa kasong kriminal, kailangan din sampahan ng kasong administratibo si Montaril dahil sa kapabayaan sa kanyang tungkulin.
Bukod naman kay Montaril, pananagutin din umano si BJMP Chief, Supt. Jaime Amatiaga dahil nasa poder niya ang responsibilidad sa pangangalaga ng mga preso kung saan kasama umano itong sasampahan ng kaukulang mga kaso.