^

Metro

2 preso ‘pinabili’ ng pagkain, patay sa sagasa

- Rose Tamayo-Tesoro -

Nahaharap ngayon sa kaukulang kaso ang Bu­reau of Jail Management & Penology (BJMP) kaugnay sa pagkamatay ng dala­wang inmates matapos pahintulutang makalabas ang mga ito ng  piitan para lamang utusang bumili ng pagkain na nagresulta sa pagkamatay ng mga huli, kahapon ng madaling-araw sa Taguig City.

Batay sa natanggap na ulat ni Taguig Police Chief Supt. Alfredo Corpuz, ang mga biktima na kinilalang sina Alberto Ago, alyas Kylle , 24, residente ng Pu­rok 6-A, Brgy. Lower  Bicu­tan, at Rodel Rellera, 21, ng Brgy. Ibayo-Tipas, ng na­banggit na lungsod ay kapwa namatay nang bu­mangga sa isang poste ang kanilang sinasakyang motorsiklong XRM na may plakang PQ-4190 dakong ala-1:45 ng madaling-araw.

Napag-alaman na si Rellera ay nahaharap sa kasong tangkang pangga­gahasa, samantalang si Ago naman ay nakakulong sa kasong theft o pagna­nakaw kung saan kapwa nakapiit ang mga ito sa Taguig Police Detention Center.

Sa ginawang pagsisi­ya­­sat, ang dalawang in­mates ay pinalabas ng kulungan at inutusan ng on duty jail guard na si PO1 Roderick Ivan Montaril para bumili lamang ng pag­kain at magka-angkas na umalis ang dalawa sakay sa isang motorsiklo.

Nabatid na kasalu­ku­yang minamaneho ni Ago ang motorsiklo patungo sa isang karinderya nang ma­walan ito ng kontrol at sumalpok ang kanilang sina­sakyan sa isang poste na nagresulta sa kapwa agarang pagka­matay ng mga ito.

Napag-alaman pa na sina Ago at Rellera ay ginawa umanong trustee‚ ni Montaril at madalas na pinalalabas ng piitan para lamang bumili ng pagkain.

Dahil sa pagkamatay sa labas ng mga nabanggit na preso, sinabi ni Chief Insp. Tito Oraya ng Detec­tive Management Section, na ang pisikal na presen­siya sa labas ng mga una na kapwa pa namatay ay nagpapatunay na nilabag ni Montaril ang Art. 224 ng Revised Penal Code o Infidelity in the Custody of Prisoners.

Kasabay nito, inutusan kahapon ni Taguig City Mayor Freddie Tinga si Supt. Corpuz na bukod sa kasong kriminal, kailangan din sampahan ng kasong administratibo si Montaril dahil sa kapabayaan sa kanyang tungkulin.

Bukod naman kay Mon­taril, pananagutin din umano si BJMP Chief, Supt. Jaime Amatiaga dahil nasa poder niya ang res­ponsibilidad sa panganga­laga ng mga preso kung saan kasama umano itong sasampahan ng kaukulang mga kaso.

ALBERTO AGO

ALFREDO CORPUZ

MONTARIL

PLACENAME

SHY

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with