Parak sugatan sa sariling baril
Masuwerteng nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang isang pulis matapos na maagawan ito ng kanyang sariling baril ng inaaresto niyang isa sa “most wanted criminal” at nang akmang ipuputok ito sa ulo ng una ng huli ay pumalya at sa halip ay ipinampukpok na lamang sa ulo ng nabanggit na pulis hanggang sa ito ay magkabukul-bukol, kahapon ng umaga sa Pasay City.
Ang biktimang si PO3 Fernando Carlos, nakatalaga sa Warrant & Subpoena Section ng Pasay City Police ay nagkabukul-bukol ang ulo nang pagpapaluin ng kanyang sariling baril ng suspect na si Alberto de Asis, Jr., 24, ng Saint Theresa St., Maricaban, Pasay. Nabatid na ang suspect ay inaresto ng biktima sa bisa ng warrant of arrest kaugnay sa kasong murder na ipinalabas ni Pasay City Regional Trial Court (RTC) Judge Jesus Mupas ng Branch 112 nitong nakaraang November 16, 2007.
Napag-alaman na si de Asis at ang nakababatang kapatid nitong si Alberto ang sinasabing pumatay sa kanilang kapitbahay na kinilalang si Henry Mabag noong nakaraang taon sa Brgy. Maricaban.
Ayon naman sa pahayag ni Carlos, nakatanggap siya ng tawag sa cellphone mula sa isang impormante dahil sa presensya ng suspect na nakasuot ng bull cap at dilaw na t-shirt habang naglalaro ng sakla sa isang lamay sa patay. Dahil dito ay agad na tinungo ni Carlos ang itinurong lugar at positibo nga nitong natagpuan ang suspect sa lugar na ibinigay ng impormante.
Nang akmang aarestuhin na ni Carlos, agad na nagtatakbo ang suspect pero nasukol ito ng una nang madakma sa braso, nagawang maagaw ng huli ang baril ng nabanggit na pulis itinutok sa ulo pero hindi pumutok dahil naka-safety locked ito. Dahil hindi pumutok ang 9mm na baril ng pulis ay pinagpapalo na lamang ng suspect sa ulo ang una ng maraming beses hanggang sa halos mawalan ito ng ulirat. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending