February 19, 2008 | 12:00am
Mistulang lantang gulay nang dalhin sa istasyon ng pulisya ang isang lalaki makaraang kuyugin ng taumbayan nang saksakin nito ng maliit na patalim na nakakabit sa nail cutter ang kinakasama nitong buntis na babae kamakalawa sa Quezon City.
Nakadetine ngayon sa Quezon City Police District-Station 10 detention cell ang suspek na si Leo Elpedes, 32, vendor, ng Magalang St., Maligaya Park, Brgy. Gulod, Novaliches, naturang lungsod.
Ligtas naman sa kapahamakan matapos na malapatan ng lunas sa East Avenue Medical Center ang apat na buwang buntis na si Gina Balbabuco, 35, at residente rin ng naturang lugar. Sa ulat ng pulisya, naganap ang pangyayari dakong alas-7:30 kamakalawa ng gabi sa tapat ng Kidney Institute Hospital sa East Avenue, ng naturang lungsod. Sakay ng isang pampasaherong bus ang dalawa na papauwi na ng kanilang bahay nang magtalo. Dito umano naglabas ng malaking nail cutter si Elpedes at inilabas ang maliit na patalim na nasa loob nito at tinarakan ang biktima sa dibdib at likod saka tumalon sa bus. Hindi tuluyang nakatakas ang suspek nang habulin siya ng galit na mga pasahero ng bus at iba pang taumbayan na tulung-tulong na bumugbog dito saka isinuko sa pulisya. (Danilo Garcia)