‘Informer’ itinumba ng 2 ‘tulak’

Walang buhay na bumulagta ang isang 29-anyos na mister matapos na mapag­kama­lan itong police informer at pag­tulu­ngang pagsasaksakin ng dala­wang kala­lakihan na sinasabing mga ‘tulak’ ng ipinag­babawal na droga, ka­hapon ng madaling-araw sa Caloocan  City.

Si Cyril Villanueva ng 34 M. Austria   St. Extention, Grace Park ng nabanggit na lungsod ay hindi umabot pa ng buhay sa Manila Central University (MCU) Hos­pital sanhi ng mga tinamong tama ng saksak sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.

Kasalukuyan namang tinutugis ng awto­­ridad ang dalawang suspect na kini­lala lamang sa mga alyas na Waway at Benjo na kapwa kilalang noturyos na tulak ng ipinagbabawal na droga na ma­bilis na nagsitakas matapos ang pama­maslang sa biktima. Batay sa ulat, dakong alas-3 ng ma­­daling-araw nang maganap ang na­sabing insidente sa kahabaan ng Benin St., Grace Park, Caloocan City. Nabatid na kasalu­kuyang naglalakad ang biktima sa natu­rang lugar pauwi ng kanyang bahay nang biglang lumitaw ang dalawang sus­pect mula sa gawing likuran nito at agad na mag­ka­sabay na inakbayan ang una.

Sa hindi mabatid na dahilan ay agad namang pinagtulungan ng dalawang sala­rin na undayan ng saksak ang wa­lang ka­laban-laban na si Villanueva sa iba’t ibang parte ng katawan nito hang­gang sa du­guang humandusay sa lupa. Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang dala­wang suspect, ha­bang ang biktima ay aga­rang isinugod ng ilang residente ng natu­rang lugar sa nasabing ospital subalit sa daan pa lamang ay binawian na ito ng hininga.

Ayon sa mga kakilala ng biktima, may sapantaha sila na ang ginawang pama­maslang sa una ay may kinala­man umano sa iligal na pagtutulak ng droga ng dala­wang suspect sa kanilang lugar kung saan malamang na pinaghi­nalaan ito na isang police informer. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments