May 19 na “isnaberong” taxi driver ang naaresto sa ikinasang “Oplan Isnaberong Tsuper ng Makati City.” Sa panayam kay Makati Police Chief Supt. Gilbert DC Cruz, ikinasa nila ang nasabing operasyon laban sa mga “isnaberong” taxi drivers makaraang ulanin ng reklamo ang kanyang tanggapan ng mga residente at commuters ng lungsod na nabiktima ng mga taxi driver na namimili ng pasahero at nagdadagdag ng patak sa metro o over pricing sa pamasahe.
Ayon pa kay Cruz, nagiging epektibo ang pagpapakalat niya ng mga naka-plainclothes na operatiba na nagmatyag sa mga kalsada sa Makati kasabay ng pagsagawa ng entrapment operations laban sa mga tiwaling taxi driver.
Nabatid na ang lahat ng mga naarestong tsuper ay pagbabayarin ng karampatang multa bukod pa sa pagkakakumpiska ng mga driver’s license ng mga ito at pagbabayad ng P1,000 base sa nakasaad sa inisyung Ordinance Violation Receipts laban sa mga una. (Rose Tamayo-Tesoro)