Kung ‘bato’ man ang puso ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Bayani F. Fernando sa mga vendors, magiging malambot din pala ito sa isang ina na pinayagan niyang magpaskil ng wanted person posters sa Edsa at sa mga pangunahing kalsada ng Metro Manila upang mabigyan ng hustisya ang pumatay sa dalawang anak ng huli.
“I beg and pray to you to please allow me to display the mug shots,” ito ang nakasaad sa hiling ng isang ina kay Fernando na agad naman nitong pinayagan.
Magugunita na dati-rati ay galit na galit ang naturang opisyal sa ipinapaskil na posters sa kahabaan ng Edsa na maitutiring umanong eyesore pero lumalambot din pala ang puso nito nang malaman ang nangyari sa dalawang anak ni Atty. Carmencita de Castro ng Poblacion Malolos, Bulacan na pawang pinaslang.
Sinabi pa ni MMDA Public Information Office Public Affairs Service (PIO-PAS) Director, Connie Gonzales, matapos marinig ng MMDA chief ang kuwento ng brutal na pagpaslang sa dalawang anak ni de Castro may limang taon na ang nakakaraan ay agad na pinayagan nito ang kahilingan na maipaskil ang wanted poster ng lalaking suspect sa krimen.
“Chairman Fernando allowed her to post posters of one Jose Ma. “Bong” Sarmiento Panlilio measuring 3.5 by 5 feet in width and height, along major roads like EDSA which tags the latter as among the country’s most wanted persons with a P4 million reward on his head. The posters identify the man as a robbery-homicide suspect who is facing charges before the Calamba City Regional Trial Court (RTC) in Laguna” paliwanag pa ni Gonzales.
Ayon sa rekord, sinasabing si Panlilio ang siyang dumukot at pumatay umano sa magkapatid na sina Albert Gutierrez at Ariel Real sa Brgy. Makiling, Calamba, Laguna, noong July 2003 kung saan nagtamo umano ng walong tama ng bala si Albert samantalang 6 naman ang natamo ni Ariel.
Ang kahilingan ni de Castro sa naturang ahensiya ay base na rin umano sa istratehiya na ginagamit ng Federal Bureau of Investigation (FBI) sa Estados Unidos kung saan ipinapaskil sa kalsada ang poster ng mga wanted na tao upang ipagbigay alam sa publiko. Malaki naman ang pag-asa ni de Castro na bagama’t limang taon na ang nakakaraan ay mahahanap at matutukoy pa ang suspect na pumaslang sa kanyang mga anak.
Anim na buwan naman ang ibinigay ng MMDA para sa naturang mga posters na ikakalat sa pangunahing kalsada. (Rose Tamayo-Tesoro)