Naaresto ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) ang dalawang lasing na barangay tanod matapos na mag ala-Rambo ang mga ito sa gitna ng kalsada at mambugbog ng isang driver kahapon ng umaga sa Binondo, Maynila.
Wala pa sa katinuan dahil sobrang kalasingan nang dalhin sa tanggapan ng MPD -Station 11 (Binondo) ang suspek na sina Alfie Basan, 26, binata ng 611 Barcelona St., Binondo, Manila at Jesus Rimon, 26, may-asawa ng 613 Barcelona St., Binondo, kapwa tanod ng Brgy. 211 District 3 sa ilalim ng Brgy. Chairman Luis Ong.
Bugbog sarado naman ang biktima na si Crisologo Baquiano, 29, ng Gate 7, Area C, Parola compound, Binondo matapos na pagtulungan ng mga suspek.
Base sa ulat, dakong alas-12:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa panulukan ng Elcano at Lavezares Sts., Binondo. Kasalukuyan umanong binabagtas ng biktima ang kahabaan ng Elcano St., subalit pagdating sa kanto ng Lavezares nang parahin ng mga suspek ang minamaneho nitong motorsiklo dahil umano sa simpleng pagsaway sa batas trapiko.
Dahilan dito kayat nauwi sa pagtatalo ang pag-uusap ng biktima at mga suspek hanggang sa walang sabi-sabing pinagbubugbog ang una subalit nakatakbo ito at nakapagsumbong sa pulisya.
Kaagad nagsagawa ng folllow-up operation ang pulisya at naabutan pa ang mga suspek na nakasuot ng civilian clothes at walang ID habang mistulang mga traffic enforcer na pinapara at sinisita ang mga dumadaan sasakyan at sinisigawan ang mga ito habang lasing na lasing.
Nakipag-ugnayan din si Supt. Nelson Yabut, Hepe ng MPD-Station 11 sa Brgy. Bureau para sa kaukulang imbestigasyon at aksyon laban sa dalawa samantalang kasong paglabag sa Sec. 844 (Breach of Peace) at Slight Physical Injuries ang isinampa laban sa mga suspek. (Gemma Amargo Garcia)