Nagbawas ng kanilang presyo ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) ang dalawang malaking kompanya ng langis sa bansa matapos umanong bumaba ang presyo nito sa pandaigdigang pamilihan.
Dakong alas-12:01 ng hatinggabi ay ipapatupad ng Shell Philippines at Petron Corporation ang panibagong rollback na P1 kada kilo o P11 kada 11 kg na cooking gas na kanilang itinitinda.
Ayon sa mga tagapagsalita ng dalawang kompanya ng langis, muli nilang ibinaba ang presyo ng LPG matapos na gumalaw pababa ang presyo ng contact price ng produkto sa world market.
Dagdag pa ng mga ito na sa kanilang nakikitang trend sa pandaigdigang pamilihan ay posible pa umanong bumaba pa ang contact price nito sa mga susunod na linggo dahil tapos na ang panahon ng taglamig sa mga bansang inaangkatan nito.
Dahil dito posible pa umanong bumaba ang presyo ng lokal na LPG sa mga susunod na linggo depende kung magkano ang ibababa ng presyo nito sa world market.
Ito na ang ikatlong rollback na ginawa ng dalawang higanteng kompanya ng langis sa kanilang produktong LPG simula ng pagpasok ng Pebrero. Dahil sa tatlong rollback na ginawa ng Shell at Petron simula ng Pebrero ay umaabot na sa P2 kada kilo o P22 kada 11 kg na tangke ang ibinaba ng presyo ng kanilang tindang LPG.
Samantala hindi pa nag-aabiso ang iba pang kompanya ng langis kung susunod sila sa panibagong rollback na ginawa ng Petron at Shell. (Edwin Balasa)