Mahigpit na seguridad ang ipaiiral ngayon ng Manila Police District (MPD), partikular na sa area ng Mendiola sa kabila na sa Ayala, Makati nakasentro ang malaking kilos-protesta ng iba’t ibang sektor na nanawagan sa pagbibitiw sa tungkulin ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Sinabi ni Supt. Romulo Sapitula, station commander ng Police Station 3, alas-7 pa lamang ng umaga ay babantayan na ng mga tauhan ng MPD at Civil Disturbance Management Unit ang Mendiola.
Inaasahan umano nila na pupunta ang mga raliyista sa Mendiola sa sandaling makalikom ng malaking bilang para isulong ang kanilang panawagan. Bagama’t tiniyak ni Sapitula na hind makakatapak sa Mendiola ang mga raliyista kung wala silang permit.
Tiniyak din ni MPD Director Roberto Rosales na mahigpit na babantayan ang mga vital installation sa Maynila tulad ng LRT, mall, oil depot at mga government offices, partikular na ang bisinidad ng Malacañang. Aniya, mahigpit na ipatutupad ang 24-oras police visibility sa buong Maynila. (Grace dela Cruz)