Natimbog ng isang pulis ang isang 37-anyos na holdaper habang ito ay nambibiktima ng mga estudyante sa loob ng pampasaherong jeepney kamakalawa ng gabi sa Sta. Cruz, Maynila.
Nahaharap sa kasong robbery hold-up ang suspect na nakilalang si Joel Trinidad Rodriguez, may-asawa, walang trabaho, tubong Nueva Ecija, ng 637 Carlos Palanca St., Quiapo, Maynila dahil sa reklamo ng biktimang si Jonathan Fernando, 17, binata, dancer, ng 3375 A.C. Herrera St., Tondo, Maynila.
Ayon sa ulat, dakong alas-7 ng gabi nang maganap ang naturang panghoholdap ng suspect sa loob ng jeep habang sila ay nasa panulukan ng C.M. Recto Avenue at J.P. Rizal Avenue, Sta. Cruz, Maynila. Sa imbestigasyon ng pulisya, papunta umano ang grupo ng biktima sa Pasig, Ortigas para kausapin ang kanilang promoter nang holdapin sila ng suspect sa loob ng jeep na kanilang sinasakyan sa nabatid na lugar na pinangyarihan.
Lingid sa kaalaman ng suspek ay nakasakay din sa naturang jeepney si PO2 Arturo Coronel ng Pandacan Police Station 10 na nagsisilbi umanong marshall sa mga pumapasadang sasakyan sa Metro Manila.
Habang tinututukan ng patalim ng suspect ang mga biktima at tinatangay ang mga gamit nito ay agad na umaksyon si PO2 Coronel at nagpakilalang pulis kaya’t agad na naaresto ang suspect.
Narekober sa pag-iingat ng suspek ang Nokia cellphone ng biktima at isang balisong na ginamit nito sa panghoholdap. (Grace dela Cruz)