Sinalakay ng mga tauhan ng National Bureau of investigation (NBI) ang Philippine Forest Corporation sa Fort Bonifacio, Taguig City na dating opisina ni ZTE star witness Jun Lozada.
Batay sa ulat, hinalughog kamakalawa ng gabi ng NBI operatives ang mga naiwanang gamit ni Lozada sa nasabing tanggapan at puwer sahan rin umanong binuksan ang cabinet nito na naglalaman ng iba’t ibang dokumento.
Sa isang panayam naman sa kapatid ni Lozada na si Arthur, sinabi nito na hindi niya matukoy kung ilang mga tauhan ng NBI ang sorpresang sumalakay sa dating tanggapan ng ZTE star witness.
Hindi rin umano matiyak ng kampo ni Lozada kung may tangan na search warrant ang mga tauhan ng NBI na lumusob at humalughog sa Phil Forest.
Samantala, wala umanong “go signal” si Justice Secretary Raul Gonzalez sa mga operatiba ng NBI na magsagawa ng raid sa tanggapan ni dating Philippine Forest Corporation President Rodolfo “Jun” Lozada Jr.
Nilinaw ng Kalihim na inatasan lamang niya ang NBI na i-secure ang transcript ng testimonya ni Lozada sa Senate hearing subalit hindi nito sinabing i-raid ang opisina nito noong Martes ng gabi sa Taguig.
Ang nasabing transcripts ay gagamitin umano ng Department of Justice (DOJ) sa kanilang isinasagawang imbestigasyon sa mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa $329 million national broadband network deal sa ZTE Corp.
“The NBI may have probably considered other matters in connection with the allegations of the admissions made by Lozada about the purchase of vehicles, the selling of jathropa seeds, the insurance issue but that has not been given a direction by me,” sinabi pa ni Gonzalez.
Samantala ipinagtanggol naman ni Gonzalez ang mga operatiba ng NBI na nagsasabing hindi na kailangan pa ng search warrant ng mga awtoridad upang makapasok sa tanggapan ng gobyerno kung mayroong krimen na naganap dito maliban lamang umano kung ito ay pagma-may-ari ng pribadong tao at indibiduwal na ngangailangan ng naturang dokumento.
Hindi naman mabatid ng Kalihim kung mayroong search warrant ang mga ahente ng NBI nang pasukin ng mga ito ang tanggapan ni Lozada.
Idinagdag pa nito na maaaring mayroon pang ibang mga bagay na ikinonsidera ang NBI sa ginawang raid tulad ng pag-amin ni Lozada sa pagbili nito ng sasakyan at pagbebenta ng jetropha seeds.