Parak timbog sa P.1 M pekeng pera
Isang tauhan ng Philippine National Police (PNP) at driver nito ang inaresto ng mga awtoridad dahil sa pag-iingat ng pekeng pera na umaabot sa mahigit P.1 milyon, shabu at mga walang lisensiyang baril, kahapon ng tanghali sa Malabon City.
Kasalukuyang nahaharap sa patong-patong na kaso at nakapiit ngayon sa detention cell ng District Police Intelligence Unit (DPIU) ng Northern Police District (NPD) ang mga suspect na sina PO2 Feliciano dela Cruz, nakatalaga sa District Anti-Illegal Drugs at driver nitong si Nelson Mercado.
Base sa nakalap na impormasyon kay Supt. Reynaldo Orante, hepe ng DPIU, dakong alas-12:10 ng tanghali nang maaresto ang mga suspect sa isang kantina sa Brgy. Longos, Malabon City
Nabatid na natiyempuhan ng mga awtoridad ang mga suspect na kumakain sa naturang kantina at sa bisa ng isang warrant of arrest ni dela Cruz sa kasong grave threat na ipinalabas ni Judge Romeo Rabaca ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 25 ay agad na dinakma ito ng mga una.
Napag-alaman na una umanong napansin ng mga awtoridad na may nakasukbit na baril sa beywang ni Mercado na umano’y pinadala ni sa kanya ni dela Cruz at habang inaaresto ang mga ito ay nakita rin ng mga arresting officers ang bag na dala ng mga suspect.
Nang suriin ang laman ng bag ay nakita ng mga arresting officers ang mga pekeng pera na umaabot sa P110,000 sa iba’t-ibang denominasyon at 55.7 gramo ng shabu.
Bukod pa dito, nakuha rin sa pag-iingat ng mga suspect ang mga baril na .9mm pistol, kalibre .45 at .38 na pawang mga walang kaukulang lisensiya. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending