Pinagbabaril habang natutulog ang isang 40-anyos na ginang at ang ka-live-in nito ng di nakikilalang lalaki sa San Miguel, Manila kahapon ng madaling-araw.
Patay sa insidente ang ginang na si Abigael de Guzman, basurero na namatay noon din sa lugar na pinangyarihan ng krimen sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa katawan.
Habang ang ka-live-in naman nito na si Fred Villanueva ay ginagamot ngayon sa Ospital ng Maynila sanhi ng dalawang tama ng bala sa hita.
Inaalam naman ang pagkakakilanlan sa hindi nakilalang suspek na mabilis na tumakas matapos ang insidente.
Batay sa imbestigasyon ni Det. Rommel Del Rosario ng Manila Police District (MPD)-homicide section, ang insidente ay naganap dakong alas-3 ng madaling-araw sa harapan ng isang condemned building malapit sa Islamic Center sa Carlos Palanca St., San Miguel, Manila.
Ang dalawang biktima ay mahimbing umanong natutulog ng dumating ang suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril ang mga ito.
Sa imbestigasyon ng pulisya, tadtad ng tama ng bala si Abigael habang dalawa naman ang tama ni Villanueva.
Ayon kay Del Rosario, inamim ni Villanueva na may kagalit silang mag-asawa din gayunman hindi umano binanggit ng huli kung sino ang mga ito.
Ayon sa pulisya posibleng may kaugnayan sa droga ang motibo sa pagbaril sa biktima.