Pulis na nangikil sa konsehal kakasuhan
Kakasuhan ni 5th district Manila Councilor Erick Valbuena sa People’s Law Enforcement Bureau ang mga pulis na nakatalaga sa Manila Police District- District Special Project Unit matapos na kikilan umano siya ng mga ito ng P15,000 noong nakaraang linggo sa kabila ng kanyang pagiging middleman sa kaso.
Ayon kay Valbuena, inaalam na niya ang mga pa ngalan ng mga pulis ng DSPU na kanyang kakasuhan at inaayos na niya ang kanyang reklamo laban sa mga ito.
Nag-ugat ang umano’y pangingikil sa kanya ng mga pulis nang makatanggap siya ng tawag mula sa tauhan ng Orchid Garden Hotel na may naganap umanong panghahalay sa loob ng hotel nitong Enero 31.
Aniya, isang Saud Mossa Al Shammary, 51, isang Saudi National, ang inaresto sa loob ng hotel ng mga operatiba ng DSPU matapos na magreklamo ang isang Rose, 17, na umano’y hinalay nito. Kasama ni Rose ang tiyahin na si Cherry Sanosa.
Nang magtungo si Valbuena sa tanggapan ng DSPU sa Manila City hall, ginawa umano siyang “middleman” ng pamilya ng biktima kay Saud na makipag-areglo sa kaso sa halagang P3 milyon.
Subalit ikinagulat ito ni Valbuena at sinabihan niya ang biktima na kung totoong nangyari ang panggagahasa ay dapat lamang nitong ituloy ang kaso. Dahil dito ay inatasan na lamang niya ang pulisya na ituloy ang kaso laban kay Saud.
Mula sa P3 milyon ay bumaba sa house and lot ang alok. Nagalit si Valbuena at minabuti na lamang nitong umalis hanggang sa magmakaawa ang biktima at makiusap na bigyan na lamang sila ng pamasahe pabalik ng probinsiya. Dala na rin ng awa ay nakiusap si Valbuena kay Saud na bigyan na lamang ng $1,000 ang biktima hanggang sa magkasundo.
Subalit laking gulat ni Valbuena nang papaalis na siya at hingan ng pulis DSPU ng halagang P15,000 para umano ‘for the boys’ at pang-aabala sa naganap. ‘Hindi nga sila (pulisya) nahiya kaya binigyan ko na lang pero binalaan ko sila na ipararating ko na lang kay Mayor Lim ang reklamo’, ani Valbuena.
Kinabukasan sa hindi malamang dahilan, muling nagbago ang isip ng pamilya ng biktima at humingi ng P300,000 sa suspect subalit nang mabigong magbigay ay itinuloy na lamang ang kaso laban dito sa piskalya. (Doris M. Franche)
- Latest
- Trending