Naaresto ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) ang isang dating pulis na umano’y supplier ng shabu ng mga mayayamang estudyante sa isang buy-bust operations kamakalawa ng gabi sa Quiapo, Maynila.
Kinilala ang suspek na si ex-P02 Celmar Albania, dating nakatalaga sa Caloocan police station.
Lumalabas sa imbestigasyon na dakong alas-6 ng gabi nang maaresto ang suspek sa gilid ng San Sebastian Church, Quiapo, Manila. Bago maaresto ang suspek ay nakatanggap umano ng impormasyon ang pulisya noong Pebrero 2 tungkol sa iligal nitong trabaho.
Si Albania ay sinasabing nagbebenta at distributor ng mga droga sa Quiapo at karamihan sa kanyang mga kliyente ay mga mayayamang estudyante na nag-aaral sa San Sebastian College, National Teacher’s College at Manuel Luis Quezon University (MLQU).
Dahil dito kaya’t kaagad nagsagawa ng surveillance ang pulisya at nang positibo ay plinano ang stake-out operations bago isinagawa ang buy-bust operations na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.
Nakuha mula sa pag-iingat ng suspek ang tatlong sachet ng hinihinalang droga at marked money na ginamit sa buy-bust operations.
Base sa rekord ng PNP, si Albania, na 13 taon na sa serbisyo ay dating nakatalaga sa Caloocan Police Station subalit noong nakaraang taon ay kinasuhan ito ng Absence Without Official Leave (AWOL). (Gemma Amargo-Garcia)