MMDA di nababahala sa pagsasara ng Rodriguez landfill

Hindi nababahala si Metro­politan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Bayani F. Fernando sa isyung pagpapasara sa landfill station sa Rodriguez Rizal dahil ma­rami naman umanong alterna­tibong pagtatapunan ng tone-toneladang basura ng Metro Manila.

Ginawa ni Fernando ang pahayag matapos na mag­banta si Rodriguez Municipal Mayor Pedro Cuerpo na hang­gang Lunes (February 11) na lamang pwedeng mag­tapon ng basura sa kanilang sanitary landfill stations.

Ang hindi pagbabayad umano ng naturang ahensiya ng “hosting fee”ang siyang kinu­­ kuwestiyon ng pamaha­laang lokal kung kaya’ t binan­taan at binigyan ng ultimatum ito kaugnay sa nabibimbing pagbabayad nito. 

 Ayon kay MMDA General Manager Robert Nacianceno, hindi problema ang pagba­bayad sa hosting fee ngunit dapat na hintayin muna umano ang ibababang ka­utusan ng korte kung kanino sila dapat na magbayad dahil tulad ng lokal na munisipa­lidad, sinisingil din sila ng hosting fee ng Rizal pro­vincial government.

Nauna rito, nagbanta si Mayor Cuerpo na hindi niya pa­payagang makapagtapon sa kanilang landfill ang anu­mang truck ng basura na galing sa Metro Manila hang­ga’t hindi naka­kapag-update sa pagba­bayad ang ahensiya.

Lalo pang lumala ang po­sib­leng krisis sa basura ma­tapos maglabas ng kautusan si DOJ Sec. Raul Gonzalez na nagsa­sabing walang kapang­yarihan si Cuerpo na maningil ng buwis sa mga nagtatapon ng basura sa kanilang landfill.

Sinabi ni Cuerpo na nara­rapat lamang niyang protek­siyunan ang kanilang lungsod sa pamamagitan ng pagsa­sara sa dalawang landfill kung hindi niya mapapangalagaan ang kali­nisan sa 19 at 14 na ektar­yang dalawang landfill bunga ng kawalan ng sapat na sala­ping pantustos sa pagma­mantina.

Ayon pa kay Nacianceno, nakahanda ang MMDA sa­kaling tototohanin ng alkalde ang bantang pagsasara sa dalawang landfill dahil may iba pa naman umano silang lugar na puwedeng pagtapunan tulad ng Clark, Bulacan, Na­votas at isa pang bayan sa lalawigan din ng Rizal. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments