Naaresto ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang pinaghi hinalaang notoryus na carjacker matapos itong maaktuhang nagmamaneho ng nakaw na pampasaherong taxi sa Quezon City kamakalawa ng gabi. Nakilala ang nadakip na si Joel Mondia.
Base sa imbestigasyon, ang suspect ay nasakote ng mga operatiba ng Quezon City Police habang ipinapasada ang isang nakaw na taxi sa kahabaan ng 2nd St. sa Cubao ng lungsod bandang alas-7:30 ng gabi. Kasalukuyan umanong naghihintay ng pasahero ang suspect nang madakip ng pulisya.
Itinanggi naman ng suspect ang paratang sa pagsasabing isang lalaki umano ang nag-utos sa kanya para ipasada ang nasabing taxi.
Bago ito, naispatan ng operator ng nasabing nakaw na taxi habang ipinapasada ng suspect sa Quezon City kaya’t humingi ito ang tulong sa mga awtoridad. Ang nasabing taxi ay ninakaw umano noong Abril ng nakalipas na taon kung saan ang dating DAC taxi na nakatatak dito ay pinalitan ng PAC taxi habang ang plaka nito na TWH-219 ay pinalitan naman ng TWH-210.
Samantalang nadiskubre rin ng mga awtoridad na ang chassis number at engine number ng sasakyan ay tumutugma pa rin sa rekord ng operator ng naturang taxi. Nahaharap ngayon sa kasong carnapping ang nasakoteng suspect na kasalukuyan ng nakapiit sa Quezon City Police detention cell. (Joy Cantos)