Nasawi ang isang 26- anyos na ginang matapos itong maatrasan ng truck habang nag-iinspekyon ng kargamento kamakalawa ng gabi sa North Harbor, Tondo Maynila. Namatay noon din sa lugar na pinangyarihan ng aksidente at halos magkabali-bali ang buto ng biktimang si Maricel Maquinana, may-asawa at stay-in sa Frank & David Snack Food sa Brgy. Masagana, Pandi Bulacan. Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Supt. Roberto Dela Rosa, hepe ng Manila Police District (MPD) Traffic Bureau, dakong alas-9 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng Pier 16, North Harbor, Tondo.
Nakaparada umano sa naturang lugar ang isang aluminum van na may plate no. WSD-451 habang ikinakarga ang mga food products. Kasalukuyan umanong iniinspeksiyon ng biktima ang mga ikinakarga, ng aksidenteng umatras ang sasakyan at nasagasaan ito hanggang maipit ang katawan sa isa pang nakaparadang 40-footer container van sa bahaging likuran nito. Paliwanag naman ng driver ng nasabing van na si Jose Ocario, naka-nuetral umano ang kambiyo ng sasakyan habang inaayos niya ang baterya nang bigla itong umatras. Kasong reckless imprudence resulting to homicide ang isinampang kaso kay Ocario na kusang-loob namang sumuko sa mga awtoridad matapos ang insidente. (Gemma Amargo-Garcia)