Tinututukan ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang ulat na talamak na shipment ng iligal na droga na ginagawa sa Mindanao na idinideliber sa Metro Manila at karatig na bansa.
Sinabi ni PDEA spokesman Derrick Carreon na patuloy ang kanilang operasyon ngayon katulong ang Philippine Coast Guard at Bureau of Customs (BoC) upang masabat ang smuggling ng droga.
Ito’y matapos silang makatanggap ng intelligence report na ibinibiyahe ang mga nalilikhang droga sa Cotabato City patungo sa ilang lungsod sa Mindanao tulad ng Kidapawan, Koronadal, Tacurong at General Santos.
Isinasakay rin ang iligal na droga sa barko na nakalagay sa shipment ng spare tires, junk foods at mga pagkaing de-lata patungo sa Metro Manila habang lulan naman ang droga partikular na ang shabu sa mga bangkang pangisda patungo sa Indonesia.
Nilinaw rin ni Carreon na kanila nang nadakip ang ilan sa mga pinangalanang drug lords sa Mindanao na nakilalang sina Kagui Lao ng Cotabato City, Montawal ng Maguindanao, Maghanoy ng North Cotabato, Marcos Fatima at Black Moro ng Sutal Kudarat na nasawi nitong nakaraang Enero. (Danilo Garcia)