Inalerto na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga anti-riot police at mga district commands sa Metro Manila sa posibleng pagsiklab ng mga demonstrasyon sa mga kalsada bilang simpatiya kay ZTE star witness Rodolfo Noel Lozada Jr.
Sinabi ni NCRPO chief, Director Geary Barias na nakaantabay na ang buong puwersa ng Civil Disturbance Management unit upang pamahalaan ang anumang kilos-protesta na anumang oras ay maaaring umpisahan ng mga militante at iba pang grupong sumusuporta kay Lozada.
Sinabi rin nito na nakikipagkoordinasyon siya sa National Capital Region Command ng Armed Forces of the Philippines na nangako naman na magpapadala ng mga sundalo kung kinakailangan.
Pinaalalahanan naman ni Barias ang mga anti-riot police na huwag magdala ng baril sa pagsawata sa mga demonstrador upang hindi maakusahan ng paglabag sa karapatang pantao.
Ito’y kasabay na rin ng pahayag ng iba’t ibang relihiyosong grupo at militante na magsasagawa ng demonstrasyon bukas na tatawagin nilang “Black Friday Protest”. Kabilang dito ang candle lighting protest sa College of St. Benilde sa Taft Avenue, Maynila at pagmamartsa ng mga supporters ni Lozada buhat sa Quezon City patungo sa Senado.
Sa Maynila, dalawang 6x6 trak na puno ng anti-riot police ang dumating na sa Manila Police District upang bantayan ang bisinidad ng Malacañang. Handa naman ang pulisya na tapatan ang bilang ng mga raliyistang darating at iginiit na mahigpit pa ring bawal na pumasok ang mga demonstrador sa Mendiola.