Traffic enforcer timbog sa kotong

Dinakip ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang isang kotongerong  miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau matapos na maaktuhan itong kinokotongan ang isang moto­rista kahapon ng hapon sa Jose Abad Santos, Tondo, Maynila.

Kinilala ang suspek na si Christopher Caraig, 24, ng Banahaw St., Balut, Tondo. Batay sa reklamo ng biktimang si Luzviminda Alberto, 37, dalaga, credit investigator sa isang Lending Company, at residente ng No.559 Florante St., Panginay, Balagtas, Bulacan, pinara umano sila ng sus­pek dakong alas-2:00 ng hapon sa na­banggit na lugar mata­pos na hindi sumunod sa isang traffic regulation. Dahil sa nasabing violation ay tinakot pa umano sila ng sus­pek na titikitan hanggang sa magkaroon na umano ng nego­sasyon sa pagitan ng mga ito .

Una umanong humingi ang suspek ng halagang P750 ngunit dahil sa dadalawang daang piso lamang umano ang pera ng biktima ay ito na lamang ang naibigay nito sa suspek. Lingid sa kaalaman ng suspek na umaga pa lamang ay nakamasid na sa kanya ang mga tauhan ng MPD-Integrity Task Force at kinukuhanan na ito ng video camera.

Sa nabanggit na video ay kitang-kita na tumanggap umano ang suspek ng pera mula sa biktima upang hindi na maisyuhan ang mga ito ng Ticket Violation Receipt.

Nasa akto naman na tinatanggap ng suspek ang pera mula sa biktima ng dakpin ito ng pulisya. (Grace dela Cruz)

Show comments