Patay ang isang hinihinalang miyembro ng ‘Bukas Kotse Gang’ makaraang umano’y matiyempuhan ng pulisya na puwersahang binubuksan ang isang sasakyan kahapon ng hapon sa Quezon City.
Kinilala ng kanyang misis ang napaslang na suspect na si Eric San Miguel, residente ng Jose Abad Santos Avenue, Tondo, Maynila. Nagtamo ito ng apat na tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa inisyal na ulat, naganap ang insidente dakong ala-1 ng madaling-araw sa panulukan ng Quezon Avenue at Cordillera street, sa naturang lungsod. Nagpapatrulya umano ang mga tauhan ng Quezon City Police District-Station 11 nang maispatan ang suspek na puwersahang binubuksan ang isang nakaparadang puting Toyota Corolla (WCU-704).
Ayon sa mga pulis, nanlaban umano ang suspek nang magbunot at magpaputok ng baril kaya nila ito pinaputukan. Nakapagtataka naman na hindi na mahagilap sa crime scene ang umano’y baril ng naturang suspek.
Sinabi naman ng asawa ng biktima na si Maureen na nagpaalam umano sa kanya ang mister na maghahanap ng trabaho ngunit nagulat na lamang siya nang marinig sa balita na nakipagbarilan umano ito sa mga pulis at patay na. Nabatid naman na dumalo sa isang seminar ang may-ari ng kotse na si Atty. Lilyn Juarez sa naturang lugar at nagulat siya nang pagbalik niya ay duguan na ito dahil sa nasawing suspek. (Danilo Garcia)