Patay ang isang driver makaraang pagbabarilin ng isang barangay tanod matapos magtalo sa harapan ng isang videoke bar dahil sa pagtanggi na magbayad ng una sa kanilang nainom, kahapon ng madaling-araw sa Novaliches, Quezon City.
Nakilala ang nasawi na si Mario Cayabyab, 51, at residente ng #1082 Atis Street, Salaw, Brgy. Bagbaguin, Valenzuela City.
Kusang-loob namang sumuko sa pulisya ang barangay tanod na si Ulysses Almario, 54, deputy ex-o ng Brgy. Novaliches, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, naganap ang insidente dakong alas-2:35 ng madaling-araw sa loob mismo ng barangay hall sa Buenamar Avenue, Brgy. Nova.
Nabatid sa imbestigasyon na unang humingi ng tulong ang floor manager ng IRN Videoke bar malapit sa barangay hall matapos na tumangging magbayad si Cayabyab at kaibigan nitong si Florante Garcia sa nainom nilang alak.
Inimbitahan naman ng mga barangay tanod sa pamumuno ni Almario ang dalawa sa barangay hall kung saan patuloy pa ring nakipagtalo si Cayabyab. Humantong umano sa suntukan ang pagtatalo hanggang sa magbunot ng baril ang suspek at paputukan sa ibat ibang parte ng katawan si Cayabyab sanhi ng agad nitong kamatayan.
Nakaditine na ngayon sa Novaliches police detention cell si Almario at nahaharap sa kasong homicide. Pinag-aaralan naman ng pulisya kung sasampahan ito ng kaso dahil sa pagdadala nito ng baril na ipinagbabawal sa mga tanod. (Danilo Garcia)